Ang Batang May Maraming Bahay (Buod)

enter image description here Kwento Ni Genaro R. Gojo Cruz

Disclaimer: This post is for educational purpose only. This work is copyrighted by the author.

Kapag magsisimula na akong magkuwento tungkol sa aming mga bahay, hihinto sa paglalaro sina Lara, Ningning, Kekek, at Tim-Tim.

Uupo sila sa aking harapan at makikinig sa aking kuwento. Kapag ipinakikita ko na ang aming mga bahay, nanlalaki ang kanilang mga mata. Di sila makapaniwala.

Maraming-marami kaming bahay, Kahit pa pagsama-samahin ang lahat ng bahay ng sinumang mayayaman, walang tatalo sa dami ng aming bahay.

Buo pa rin ang mga kapis nitong bintana. May bubong itong sintaas ng kapilya. Gustong kong maupo sa hagdanan nitong kahoy, para akong bumabalik sa lumang panahon,” una kong kuwento. “Sana magkaroon kami ng ganyang bahay,” sabi ni Lara.

“Nasa gitna ng kagubatan ang pangalawa naming bahay. Kahit sa malayo, kitang-kita itong parang puting palasyo. Sa loob, makikita ang malaking hagdanang pabilog, patungo sa ituktok. Malalaki ang bintana nitong salamin. Gustong-gusto kong pumunta sa ituktok nito, tanaw ko ang malawak na kagubatan,” sunod kong kuwento.

“Yan ang pangarap kong bahay!” singit ni Ningning. “Nasa ituktok naman ng bundok ang sunod naming bahay. Maraming tao ang namamangha kung paanong naitayo ito sa ituktok ng bundok. Gawa ito sa bato kaya di ito kayang tangayin ng bagyo. Sa pagtulog, hinehele pa ako ng huni ng mga ibon,” sunod kong kuwento.

May bahay rin kami sa lugar na laging malamig. Napalilibutan ito ng mga bulaklak at matandang puno ng pino. Kapag mainit sa iba naming bahay, dito kami pumupunta. Gustong-gusto ko itong bahay namin dahil parang laging Pasko. Lagi akong nakasuot ng pangginaw. Ako na talaga ang batang may pinakamaraming bahay!

Di nagsasawa sina Lara, Ningning, Kekek, at Tim-tim sa aking mga kuwento. Sabik na sabik lagi sila sa mga bagong dagdag na bahay sa aking kuwento.

“Koko! Koko! Halika na, ligo tayo sa ulan!” aya nila sa akin. Naligo kami sa ulan. Tumapat sa alulod ng mga bahay. Nagtampisaw sa biglang luminis sa kanal. Masaya kaming magkakaibigan. Walang tigil ang ulan. Umuulan ng matulog ako, at nang magising ako, umuulan pa rin.

Nag-alala sina Nanay at Tatay, pati si Yeye na kahapon lang ay tuwang-tuwa sa maliit na ilog sa loob ng aming bahay. Biglang tumaas ang tubig sa loob ng bahay. Natakot kaming lahat!

“Mang Ruben! Aling Nene! Sumama na kayo sa basketball court! Mas ligtas tayo roon!” aya ng aming kapit-bahay. Sa pagmamadali nina Tatay at Nanay, wala kaming nadalang gamit. Agad kaming pumunta sa basketball court bago pa lumubog sa tubig ang bahay namin.

Maraming pamilya sa basketball court. Buti na lang, may nagpahiram sa amin ng damit, kumot, at banig. May nagbigay ng mainit na noodles, tinapay at kape. Ilang araw rin kaming tumira sa basketball court.

Paghupa ng baha, bumalik kami sa aming bahay pero wala na kaming nadatnan. Puwede pala kaming mawalan ng bahay? Nag-iiyak si Nanay.

Tinangay ng baha ang aming bahay pati ang mga bahay na ginupit at idinikit ko sa aking notbuk. “Makakagawa uli tayo ng bago nating bahay,” sabi ni Tatay.

Nakita ko uli ang kasipagan ni Tatay. Wala siyang tigil sa pangangariton. Lahat ng puwedeng gawing bubong, dingding, sahig, at bintana ng aming bahay, pinupulot niya-karton, tabla, kahoy, yero, sirang gulong, pako, at alambre.

Isang araw nang umuwi si Tatay, nakita ko uli ang tambak na diyaryo at makukulay na magasin sa kanyang kariton. Gusto ko sanang buklatin uli ang mga ito para gupitin ang magagandang bahay na aking nakikita. Gusto ko uling magdikit ng mga bahay sa aking bagong biling notbuk.

Gusto kong magkuwento uli kina Lara, Ningning, Kekek, at Tim- Tim ng tungkol sa aming mga bahay. Gusto ko uling maging batang may pinakamaraming bahay.

Pero may mas mahalagang dapat gawin kaysa naiisip ko. Kailangan akong tumulong kina Tatay at Nanay. Kailangan kong alagaan at pasayahin si Yeye para mawala na ang takot niya sa baha.

Isa pa, alam kong di na rin interesado sina Lara, Ningning, Kekek, at Tim-Tim sa aking kuwento.

Tiyak na mas gusto nilang makita ang aming bagong bahay. Tiyak na may mga kuwento rin sina Lara, Ningning, Kekek, at Tim-Tim tungkol sa kanilang mga bahay.

Nagpapasalamat pa rin ako dahil kasama ko pa rin sina Tatay, Nanay, Yeye, at ang aking mga kaibigan. Puwedeng mawala ang lahat na bagay sa akin pero di ang aking mahal na pamilya at ang aking mga kaibigan.


Did you like the post? Help the author stay up! any amount will be a great help :) Just click the link below