Handog kay Isabella (Buod)

Home / Handog kay Isabella (Buod)



enter image description here


Kwento Ni Luis R. Gatmaitan, M.D.


Disclaimer: This post is for educational purpose only. This work is copyrighted by the author.


Maaga akong gumising nang araw na ‘yon. May
nakatakda kasi kaming test sa eskuwelahan. Pero
sinabihan ako ni Nanay na bumalik muna sa higaan.
“Anak, malaki ang baha. Wala raw kayong
pasok.”


Agad akong dumungaw sa aming bintana.
Lampas-tuhod na nga ang baha! Panay kasi ang
pag-ulan nitong mga nagdaang araw.


Ang nakapagtataka , dati rati namang hindi kami
binabaha. Ngayon lang ito nangyari.
“Siguro po, maraming basurang nakabara
sa mga kanal,” sabi ko kay Nanay.


“Sabi po ni Titser, dapat daw
ibukod ang basurang nabubulok sa di- nabubulok,” sabad pa ni Kuya Ethan na
nagising na rin.
Tumulong na lang kami kay Nanay
sa paglilinis ng aming bahay.


Ilang araw din bago tuluyang
humupa ang baha. Muli kaming
nakapasok sa eskwelahan.


“Naku, Aryn, may sakit pala
ang best friend mo. Nilalagnat daw!”
balita ni Levy.
“Ha? Kaya pala ilang araw
nang hindi pumapasok si Isabella.


Nagpasama ako kay Levy na
dumalaw sa bahay nina Isabella. Pero
hindi ko siya nadatnan.
“Dinala na siya ng tatay niya sa
ospital kanina. Laging mataas ang lagnat
niya noong mga nagdaang araw. Tapos,
kung kailan nawala ang kanyang lagnat,
saka naman nagdugo ang kanyang ilong!”
kuwento ni Lola Luring.


Mabilis na kumalat ang balita.
Kahit sa radyo at TV ay nababanggit ang
aming barangay. Nagkaroon daw ng
maraming kaso ng dengue fever sa
aming lugar.


Nalungkot ako nang malamang
nagkasakit nga ng dengue fever ang aking
kaibigan. Sabi pa ni Titser Ligaya, baka
kailangan pa daw na masalinan ng dugo si
Isabella.


“Nanay, ganon po ba talaga ‘
pag may dengue fever?”
“Oo, Anak, nauwi sa pagdurugo ang kanyang dengue fever. Epekto
‘yon ng labis na pagbagsak ng kanyang platelet count.”


Pag-uwi sa bahay, ikinuwento ko kay
Tatay ang nangyari kay Isabella. Sabi ko sa
kanya, ang sama-sama pala ng lamok na
may dala ng dengue virus. Inuubos nito ang
ating platelets.
“Tatay, puwede po ba kayong mag- donate ng dugo para kay Isabella? Kasi
kailangan daw po niya ng maraming
platelets.”
Agad namang tumugon si Taty.
“Hayaan mo, Anak at pupunta ako sa ospital
para magpasuri. Isasama ko rin ang
dalawang kumpare ko.”


Pinakiusapan ko rin ang
dalawang tita ko. “Puwede po ba nating
bigyan ng dugo si Isabella?”
“Puwedeng-puwede!”
Noon ko lang nalaman na lagi
palang nagbibigay ng dugo si Tita Leah
sa Blood Center kada ikatlong buwan.


Kung gaano kabilis ang balita tungkol
sa naging karamdaman ni Isabella, ganoon
din kabilis ang pagtugon ng aming mga
kabarangay.


Sa isang iglap, nagtugon ang mga
tatay ng aming mga kaklase.
Lahat ay handang magbigay ng dugo
para makaligtas si Isabella. At hindi lang
‘yon, pati raw pala si Titser Ligaya at ang
aming prinsipal ay nandoon din sa Blood
Center para magpakuha ng dugo.


Hindi nagtagal at gumaling si
Isabella. Ikinuwento ko sa kanya kung
paanong kumilos ang aming mga
kabarangay para mailigtas ang
buhay niya mula sa dengue.


Nang sumunod na linggo, nagpatawag
ng pulong ang kapitan ng aming barangay.
May mga gagawin daw kaming hakbang para
hindi na muling pamahayan ng mga pesteng
lamok ang aming lugar. Heto ang mga
suhestiyon ng aming mga kabarangay.
Padaluyin ang mga nabarang kanal.
Itapon ang mga basyong lata bote, at
gulong na puwedeng pamahayan ng lamok.
I-check ang paligid matapos ang matinding
pag-ulan at pagbaha.
Gawing regular ang paglilinis ng bakuran.


Mga basura’y itinatapon na sa
tamang lalagyan. Muling dumaloy ang
mga tubig sa imburnal. Lahat ng
sisidlang naglalaman ng tubig ay aming
binabantayan.
Pati ang flower vase ni Titser
Ligaya ay hindi napuwera. Walang lamok
na dito ay puwedeng tumira.